Ang Babae'ng Kalaguyo ang Buwan
Posted by Gen Omapas , Wednesday, April 14, 2010 Wednesday, April 14, 2010
Ay tahimik na pupuslit, palabas at hihintayin
ang pagsilip niya. Sa may hardin, ang babaeng
may asul na bolpen, bitbit ang pulutong
nang naunsyaming mga sulat na di man lang
nakatikim nang haplos ni Mamang Kartero.
Walang imik na nakatiklop, nakasingit
sa bawat pahina ng kanyang limang taong kuwaderno.
Mga tinupi-tuping papel na walang padadalhan
laman ay mga titik na nakahalik sa makikinis na pisngi
ng naka linyang sulatan. Mga himutok na nakaluklok
sa bawat sulok ng maninipis na hibla. Nauudlot na tuldok,
di mapunang espasyo at talata ng bawat linya
tanging luha nang tinta ang nakauunawa.
Walang humpay na sulat sa kalaguyong
nakasilip sa may di kalayuan
isang dipa ang tanaw mula sa kalangitan.
-- G. Omapas
Post a Comment